Sari-sari Store sa Gitna ng Pandemya

 

Sa bawat barangay, parte na ang mga munting tindahan kung saan pwedeng bumili ng mga pangmeryenda o ‘di kaya ay takbuhan para bumili ng mga kulang na sangkap sa niluluto o agarang pangangailangan sa bahay. Sa bawat pagtawag ng “Pabili po!”, makakabili ka na agad dahil siguradong ang hanap mo ay naroroon.

Pero sa hindi inaasahang panahon, dumating ang pandemyang nagpabago sa mga pang-araw-araw nating gawain at tila ba nagpahinto sa buong mundo. At sa krisis na ito, kabilang sa mga naapektuhan ang mga tindahan.

Pandemya, pagbabago, at pagsubok
Kasabay ng pagdedeklara ng community quarantine sa Metro Manila at iba’t ibang lugar sa bansa noong Marso, karamihan ng mga tindahan ang nakaranas ng mga pagbabago sa kanilang negosyo at nasubok sa pagpapatakbo ng kanilang tindahan. Dahil limitado ang transportasyon at karmihan ng mga pamilihan ay may limitadong supply ng mga produkto at oras ng pagbubukas, naging isang pagsubok sa mga sari-sari store owners ang pamimili ng kanilang imbentaryo. Dumagdag pa rito ang mahabang pila na kanilang nararanasan tuwing namimili, pati na rin ang panganib na magkaroon ng sakit sa paglabas ng kanilang bahay.

“Bumaba po talaga ang benta kasi ‘yong iba namili na rin. Imbak nila para ‘di masyado maglalabas,” kwento ni Tita Cherle, isang sari-sari store owner mula sa Carigara, Leyte. Maliban sa limitadong kilos, ang pagbaba ng benta at kita ang pinakamabigat na pagsubok na kanilang nararanasan simula ng nagkaroon ng pandemya. Ang madalang na paglabas ng mga mamimili bilang pagsunod sa community quarantine at pagbabago sa pamimili ng mga konsyumer ay nagdulot ng matumal na kita at kakulangan sa puhunan para sa tindahan.

Kaya naman, may mga sari-sari store owners na piniling magsara muna. Ngunit para sa ilang negosyante, tuloy pa rin ang pagtitindahan sa panahaon na katulad nito. Sa kabila ng mga pagbabago at mga pagsubok, bakit nga ba nila pinili na magpatuloy sa pagbubukas ng tindahan?

Mananatiling bukas para sa pamilya
Sabi ko kung maglo-lockdown, paano? Paano ‘pag nag-close ako, paano na lang? ‘Di lang ako, paano na lang din ‘yong mga customer na umaasa…” sagot ni Tita Eilene, isang sari-sari store owner sa Quezon City.

Marami sa mg sari-sari store owners na katulad ni Tita Eilene, ang tindahan ang nagsisilbi nilang pangunahing hanapbuhay. Pagbabahagi ni Tita Eilene, maliban sa kinikita ng kanyang asawa na OFW, ang kita mula rito ang sumusuporta sa mga pangangailangan ng kaniyang pamilya. Kaya naman sa kabila ng matumal na benta at kahirapan sa paimmili, napagdesisyunan niya na magbukas pa rin ng tindahan na inaasahan niya para sa pang-araw-araw nilang gastusin.

Isa rin sa mga nagbukas pa ng tindahan ay si Tita Cherle na taga-Leyte. Kwento niya, “Sabi ko nga sa asawa ko, noong panahon na wala ‘to (COVID-19), open tayo. Tapos ngayong may ganito, hindi tayo pwedeng magsara kasi kung baga kailangan din tayo ng mga kalapit natin — kapitbahay natin, ‘yong mga customers natin… Kung kailan ganito ang sitwasyon magsasara tayo, e papaano natin sila matutulungan samantalang noong walang ganitong kalamidad, sila nakakatulong din naman sila sa atin.” Para kay Tita Cherle, ang pagbukas ng tindahan ay isang gampanin para mapagsilbihan ang kanyang komunidad. Naniniwala siya na sa panahon ngayon, ito ay isang paraan para mas mapalapit sa kaniyang mga mamimili ang kanilang mga pangunahing pangangailangan.

Dahil sa pagiging exposed nila sa ibang tao, doble na rin ang pag-iingat ng mga sari-sari store owners para hindi magkasakit. Ang ilan ay naglagay ng cover sa harapan ng tindahan dahil bilang proteksyon sa kanila at sa kanilang mga mamimili. Katulad ni Tita Cherle, may ilan din na gumagamit ng mga containers o lalagyan ng bayad o sukli para mapanatili ang social distancing at maiwasan ang physical contact sa kada transaksyon. Ang pagsusuot ng face masks at madalas na pag-disinfect ay unti-unti ring naging parte sa buhay ng isang sari-sari store owner.

Related: Pitong Quarantips para sa Pagtitindahan Mo

Bangon, tindahan
Sa kabila ng pagpapatuloy ng community quarantine, nagsimula ring magbukas ang iba’t ibang mga oportunidad para sa mga sari-sari store owners. May ilan sa kanila na nagdagdag ng mga paninda gaya ng mga gulay, prutas, at meat products na nakatulong para sa dagdag kita at para hindi na lumayo pa ang mga mamimili para makabili ng mga ito. May ilan din na nagsimulang mag-alok ng mga mobile services gaya ng loading, bills payment, at iba pa. Tunay nga nga na sa harap ng krisis, mas lumalabas ang pagiging madiskarte at matatag ng mga Pilipino, ng mga negosyante. Sa kabila ng pagsubok, tayo ay nakakahanap ng paraan para makabangon mula rito.

At sa pagbangong ito, layon ng Hapinoy na maging parte at patuloy na magsilbing katuwang ng mga sari-sari store owners na araw-araw lumalaban para sa kanilang negosyo, pamilya, at komunidad. Sa pagpapatuloy ng community quarantine, inilunsad ng Hapinoy, katuwang ang ActivAsia Inc. at iba pangmga kumpanya, ang Hapinoy TindaVan na isang mobile grocery. Layunin ng inisyatibong ito na maihatid ang mga produkto sa mga sari-sari store owners na nakakaranas ng kahirapan sa pamimili para sa kanilang imbentaryo.

Related: Hapinoy TindaVan, Now Rolling!
Sign up na sa Hapinoy TindaVan para makatanggap ng updates!

Bilang pagsuporta sa mga sari-sari store owners na nagsisilbi ring mga frontliners sa komunidad, nakatuwang din ng Hapinoy ang Tiger Beer para makatipon ng halaga sa pamamagitan ng isang online benefit concert kasama si Bamboo. Higit sa lahat, sinimulan din ng Hapinoy ang Tulungan Tindahan, isang Facebook group na binuo upang magsama-sama at magtulong-tulong ang mga sari-sari store owners sa pamamagitan ng palitan ng mga impormasyon tungkol sa tindahan ngayong may nararanasang pandemya.

“Ngayon ko talaga nakikita ‘yong value ng pagnenegosyo ko, na dapat talaga pag-ingatan ko siya. Kasi nga in case sa ganito, dito ko siya maaasahan talaga. Saka kung baga kami lang ngayon ‘yong magkakampi na alam kong ‘pag ‘di ko siya pinabayaan, ‘di rin kami mawawalan. Sabi nga nila hangga’t may means kaya mong gumawa ng paraan, gawa ka ng paraan.,” kwento ni Tita Eilene sa kanyang napagtanto sa kahalagahan ng kanyang tindahan sa gitna ng krisis na ating nararanasan.

Tila huminto man ang mundo ngayong may pandemya, patuloy pa rin ang pagbubukas ng tindahan sa bawat bagong umaga na dumarating. Para sa mga sari-sari store owners, hindi hadlang ang krisis para magpatuloy at bumangong muli para makapaghatid ng serbisyo sa kanilang pamilya at komunidad.

(Ang mga litrato na ginamit ay mula sa mga Hapinoy Negosyantes na sina Francis Salud, Mitzigrace Bacalan, Belen Jimenez, at Emma Acol.)


Para sa iba pang impormasyon tungkol sa mga programa ng Hapinoy, bisitahin at i-like lang ang Hapinoy Facebook page sa: www.facebook.com/Hapinoy.