Pitong QuaranTips para sa Tindahan Mo

 

Ang dami nang nagbago sa paligid natin ‘no, negosyante?

Nakalipas na ang isang buwan noong nagsimula ang community quarantine sa iba’t ibang lugar dito sa ating bansa. Kasabay ng community quarantine ay ang mga pagbabago hindi lang sa ating pang-araw-araw na pamumuhay, kung hindi pati na rin sa takbo ng ating tindahan.

Anu-ano nga ba ang mga pagbabago na ito sa ating munting negosyo? Dahil naging limitado ang pagkilos ng bawat isa bilang pagsunod sa social distancing, naging isang hamon ang pamimili ng mga paninda sa mga palengke, groceries, at supermarkets. Naging madalang din ang pagdayo ng mga mamimili sa ating tindahan dahil nananatili ang karamihan sa kani-kaniyang bahay na nakapagpababa ng ating regular na kita. At sigurado marami pang pagsubok tayong nararanasan sa ating sitwasyon ngayon na sumusubok sa atin bilang negosyante. Pero alam mo ba na marami rin tayong mga paraan para mapagsikapan ang krisis na ito sa ating negosyo?

Narito ang pitong QuaranTips na mula sa ating mga Hapinoy Negosyante na maaari mong simulan at ipagpatuloy na gawin sa iyong tindahan sa kabila ng krisis:  

  1. Panatilihing malinis ang tindahan.  
    Mahalagang panatilihin ang malinis na tindahan dahil dito natin itinatabi ang mga produkto na ating binebenta sa ating mga mamimili. Lalo na sa sitwasyon ngayon, mas kinakailangan ang kalinisan para makatulong na hindi pa lumaganap ang sakit sa ating komunidad. Ang pagpunas sa ating mga paninda at pag-disinfect ng mga kabinet, tray, at mga patungan ay maaaring gawin bago magbukas at magsara ang ating mga tindahan. Maaari ring maglagay ng basurahan sa labas at loob ng tindahan para maiwasan ang kalat.

  2. Panatilihin ang social distancing sa pagtitindahan. 
    Para mapanatili ang social distancing sa mga mamimili, maaaring maglagay ng cover sa iyong tindahan. Makakatulong din kung maglalagay ng lagayan ng ibabayad at ng iaabot na paninda para maiwasan ang direct contact sa bawat isa. At dahil nakikipagsalamuha tayo sa ating mga mamimili, maaari ring maglagay ng alcohol o panghugas ng kamay para sa kaligtasan nating mga negosyante at ng ating mga suki.

  3. I-check ang estado ng ng tindahan.
    Ang mga pagbabago sa ating pang-araw-araw na pamumuhay ay may direktang epekto sa ating negosyo. Kaya naman sa ganitong sitwasyon, mahalaga na ma-monitor kung ano ang estado ng ating tindahan. Kahit na may mga pagbabago sa ating kita at benta, mahalagang ipagpatuloy pa rin pag-iimbentaryo ng mga produkto at stocks sa ating tindahan. Kung may mga produkto o pera na mula sa tindahan naman na pansamantalang ginamit ng pamilya, makakatulog ang paglista ng mga ito para malaman kung anu-ano ang ibabalik din natin sa ating negosyo kapag bumalik na tayo sa regular na operasyon.

    Calculator para malaman ang kita ng tindahan? Meron tayo niyan sa libreng online training natin para sa mga sari-sari store owners!

  4. Sikapin maging produktibo sa libreng oras.  
    Dahil tayo ay nananatili sa ating mga bahay ngayon, mas marami tayong oras para makipag-bonding sa ating pamilya, o makanood ng mga paborito nating palabas. Ito na rin ang pagkakataon na gamitin ang oras para maging produktibo bilang isang negosyante! Pwede kang mag-enroll sa mga libreng online training tungkol sa pagnenegosyo, o sumali sa mga kwentuhan sa mga Facebook groups ng mga kapwa negosyante.

    Related: HapiSkwela Goes Online!

  5. Manatiling updated sa mga balita at tamang impormasyon tungkol sa COVID-19. 
    Sa panahon ngayon na halos lahat ay may social media at may internet connection, mas naging madali na makasunod sa mga balita at tumutok sa mga updates tungkol sa ating sitwasyon. Maliban sa radyo at telebisyon, maaari nang tumutok sa balita sa mga opisyal na Facebook accounts ng news media. Ang pagiging updated sa mga balita at tamang impormasyon ay makakatulong sa paggawa ng desisyon para sa iyong pamilya at sa iyong negosyo.

    Join na sa Tulungan Tindahan Facebook Group para sa mga updates tungkol sa sari-sari store!

  6. Maging positibo sa kabila ng sitwasyon.
    Sa kabila ng krisis na ating nararanasan, mahalaga ang pagiging positibo dahil ito ang nagtutulak sa iyo para ipagpatuloy ang iyong negosyo. Alalahanin ang iyong goal sa pagtitindahan, tingnan kung may nagbago ba rito, at pag-isipan kung paano mo maaabot ito. Sa iyong libreng oras, maaari mong ilista ang mga hakbang kung paano ito mararating at simulan ang mga hakbang na ito.

  7. Maging bukas sa mga bagong oportunidad.
    Alam mo ba na pwede nating sabayan ang mga pagbabago sa ating komunidad? Dahil halos lahat ng mga transaksyon ngayon ay nagiging online na, ito na ang pagkakataon na magdagdag ng mga bagong serbisyo sa iyong tindahan gaya ng loading, bills payment, at pera padala. Pwede mo ring gamitin ang iyong Facebook para i-extend ang mga serbisyo at produkto ng iyong tindahan sa iyong komunidad. Ang pagiging bukas sa mga bagong oportunidad na gaya nito ay makakatulong sa pagpapatuloy ng iyong negosyo.

    Download BizMo App now for FREE para makapag-offer ng mga mobile services sa iyong mga suki!

Parte ng ating pagnenegosyo ang mga pagsubok na ating maaaring maranasan. Mahirap man, ngunit maaari natin itong tanggapin bilang isang oportunidad para matuto at umunlad pa bilang isang negosyante. Sa pagsisikap, pagtitiyaga, at pagdiskarte, kakayanin nating hindi magpatalo at mapagtagumpayan pa rin ang krisis na ito, negosyante!

Basta’t sama-sama at tulong-tulong, kayang-kaya!

Tara at matuto ng iba pang tips at kaalaman sa pagtitindahan! I-click ang link na ito bit.ly/hapiskwela para makapag-enroll sa FREE online training ng Hapinoy para sa mga sari-sari store owners katulad mo!
Para sa iba pang impormasyon tungkol sa libreng online training, bisitahin at i-like ang HapiSkwela Facebook page sa www.facebook.com/HapiSkwela.