Taon na Bago, Panahon na para Magplano!

 
HapiSkwela_Sari-sari Store.png

Ngayong 2020, simula na naman ng panibagong taon at ng panibagong dekada! Excited ka na ba? Isa itong magandang pagkakataon para makapagsimula ulit, o ipagpatuloy ang mga goals natin para sa ating pamilya, sa sarili, at pati na rin sa negosyo. Set na ba ang iyong mga goals?

Kung oo ang iyong sagot, may plano ka na ba para matupad ang mga goals na ito? Gaya ng pagpunta sa isang destinasyon kung saan dapat alam mo kung saan ang best na daanan at ibang kailangan para makarating sa paroroonan, mahalaga na alam mo ang mga dapat gawin para siguradong matupad mo ang mga goals para sa iyong tindahan.

Kaya naman, narito ang ilang tips na maaaring makatulong sa’yo para makapagplano:

  1. Alamin ang takbo ng iyong tindahan noong nakaraang taon.
    Kumusta ang iyong tindahan noong 2019? Anu-ano ang mga produkto na malakas o mabenta sa iyong mga mamimili? Ano naman kaya ang pinakamahina? Sapat ba ang kinikita ng iyong tindahan noong  nakaraang taon? Anu-ano ang mga tagumpay at naging pagsubok na naranasan mo sa iyong pagtitindahan noong 2019? Ilan ito sa mga tanong na makakatulong para makita mo kung paano ang naging takbo ng iyong tindahan noong 2019.

    Sa pagsagot ng mga ito, maaari mong matuklasan kung anu-ano ang mga nakatulong at ‘di nakatulong para mas lumago pa ang tindahan mo. Malalaman mo ngayon ang dapat ipagpatuloy o iwasan sa iyong tindahan. Halimbawa, maaaring naging regular ang iyong paglilista kaya naman nakontrol mo ang kupit at utang sa iyong tindahan. Dahil dito, maaaring maging hakbangin mo ay ang pagpapatuloy nito.

  2. Pumili ng mga goals na tutuparin para sa iyong tindahan.
    Paano at saan mo nakikita ang iyong sari-sari store sa paglipas ng tatlo o limang taon? Mapaayos ang tindahan, dumami ang mga mamimili,  mas matuto tungkol sa pagtitindahanmadagdagan pa ang mga paninda, at marami pang iba — hindi ba’t gusto mo rin matupad ang mga ito ngayong taon? Maaari mong ibase ang goals mo mula sa mga naranasan at natutunan mo noong nakaraang taon sa iyong pagtitindahan. At sa paglista ng iyong goals, mahalaga na ito ay SMART — Specific, Measurable, Action-oriented, Realistic, at Time-Bound — dahil ito ang magsisilbing compass o gabay mo para sa mga susunod na mga desisyon at gawain mo sa iyong tindahan ngayong taon.

    Gusto mo bang mas matutunan pa ang pag-set ng goals para sa iyong tindahan? Sali na sa libreng online training para sa mga sari-sari store owners!

  3. Mag-set ng mga praktikal na gawain para maabot ang iyong goals.
    Ngayong malinaw na sa iyo ang gusto mong makamit para sa iyong sari-sari store ngayong 2020, oras na para alamin at ilista ang mga susunod mong gagawin. Mahalaga ang hakbang na ito dahil ito ang magsisilbing daan at paraan para makamit mo ang mga goals mo sa iyong sari-sari store.

    Halimbawa, kung ang iyong goal ay lumaki ang iyong tindahan, maaari mong ilista ang mga sumusunod:

    • Mag-ipon para sa pag-expand ng tindahan; 

    • Magdagdag ng mga bagong paninda para sa dagdag kita; 

    • Magbukas ng tindahan sa mas maagang oras;

    • I-record ang benta at kita para ma-monitor ang takbo ng tindahan.  


    Maaaring mas marami pa rito ang mailista mo, basta ang mahalaga ay makita mo sa iyong plano ang mga gagawin mo sa mga susunod na buwan ng taon.

  4. Ibahagi ang iyong plano.

    Marahil ang tanong mo ay “Bakit ko naman kailangang ibahagi sa iba ang plano ko?”. Ang pagbabahagi at pagpapaalam ng iyong plano sa mga pinagkakatiwalaan katulad ng iyong pamilya ay makakatulong para may kasama ka sa pagsagawa nito at magpapaalala sa iyo ng iyong mga goals at kung nagagawa mo ang iyong plano. At kung may mga kakilala ka na kapwa mo sari-sari store owners, maaari mo rin ibahagi sa kanila at maging inspirasyon sa kanila para sila ay makapagplano para sa kanilang mga negosyo.

    Related: My BFF: The Business Cell Concept of Hapinoy  

  5. Simulan mo na ngayong araw!
    Dahil malinaw na ang goals at ang plano mo para sa iyong tindahan, ngayon na ang pinakamagandang panahon para simulan ito! Maganda na may plano at goals ka na, ngunit mas mainam kung ito ay masisimulan mo na! Hindi naman kailangan ng malaking gawain, ngunit kahit ang pagsisimula sa maliit na hakbang ay mahalaga basta’t makapagsimula ka na sa iyong pagplano.

Excited ka na ba para sa tindahan mo ngayong 2020? Tara at sama-sama tayong magplano at tuparin ang goals para sa tindahan! ‘Wag nating palagpasin ang bagong pagkakataon ngayong taon para mas lumago pa ang ating mga tindahan!

-- 

Isa ka rin bang sari-sari store owner? Tara at sama-sama tayong lumago sa pagtitindahan! I-click lang ang link na ito m.me/Hapinoy para makasali sa ating mga programa. Para sa iba pang impormasyon, bisitahin at i-like lang ang Hapinoy Facebook Page sa www.facebook.com/Hapinoy